Tinalakay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa harap ng mga opisyal ng Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI) at Philippine Trade and Investment Center o PTIC sa pagpupulong sa Malakanyang kahapon ang iba’t ibang mga paraan para sa pagpasok sa bansa ng mas murang presyo ng fertilizers.
Ayon kay Office of the Press Secretary Usec. Cheloy Garafil, ang murang fertilizers ay ipamimigay sa mga magsasaka bilang subsidiya sa layuning matulungan ang mga ito at mapababa ang presyo ng pagkain.
Sa pagpupulong, sinabi ni Garafil na inihayag din ni PTIC President at Chief Executive Officer Emmie Liza Perez Chiong ang plano na bumili ng inisyal na 150,000 metric tons ng fertilizers ngayong taon sa China sa halagang 470 dollars per metric ton mula sa kasalukuyang presyo na 650 dollars per metriko tonelada sa pamamagitan ng government to government arrangement.
Habang sa susunod na taon, plano ng pamahalaan na mag-import ng 300,000 metric tons ng fertilizer para sa susunod na taon.
Una nang naglaan ang gobyerno ng P4.1bilyong pisong subsidy para makabili ng mga fertilizer at maibigay ng libre sa mga magsasaka.