Umaasa si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na maililibre na rin ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang mga gamot para sa dialysis at chemotherapy ng mga may cancer at Chronic Kidney Disease (CKD).
Ayon kay House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo, inatasan siya ni Romualdez na makipagpulong sa mga opisyal ng PhilHealth para pag-aralan ang pagbibigay ng libreng mga gamot sa dialysis at chemotherapy sa mga miyembro nito.
Sabi ni Tulfo, ipinunto ni Romualdez na kung kaya ng PhilHealth na mailibre ang ang ultrasound at mammogram para sa mga kababaihan ay baka maaari rin nitong sagutin ang gamot sa dialysis at chemotherapy.
Binanggit ni Tulfo na sa naturang pulong ay nangako naman ang mga opisyal ng PhilHealth na agad nilang pasisimulan ang pag-aaral para sa hirit na maibigay rin ng libre ang naturang mga gamot.
Sa kasalukuyan ay libre na ang chemotherapy at dialysis sa mga miyembro ng PhilHealth pero hindi pa kasama ang mga gamot na ginagamit dito.