Mandaluyong City. Sa pagtatapos ng National Women’s Month Celebration (NWMC) ngayong araw ng Huwebes ika-31 ng Marso 2022 ay inilunsad ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang “SUPER TICKET PARA KAY SUPER PINAY” kung saan may LIBRENG TICKET ng Super Lotto 6/49 na may halagang Php100.00 ang mga kababaihan na masugid na sumusuporta at tumataya sa PCSO kapalit ng halagang Php10.00 na taya sa PCSO digit games (2D, 3D, 4D at 6D) o halagang Php20.00 na taya sa iba’t-ibang laro ng lotto (Lotto 6/42, Mega Lotto 6/45, Super Lotto 6/49, Grand Lotto 6/55 at Ultra Lotto 6/58).
Ito ay bilang pagbibigay-pugay sa mga kababaihan at pagsusulong ng pagkapantay-pantay ng kasarian ng bawat isa maging ikaw man ay lalaki o babae. Ayon kay Bb. Aiza Matutina isang lady guard at masugid na sumusuporta ng lotto nalaman niya ang pagbibigay ng PCSO ng libreng ticket sa pamamagitan ng anunsiyo sa telebisyon sabi niya “Napakalaking bagay po nito sa amin na mahihirap dahil may tsansa po kaming manalo ng Jackpot. Maraming salamat po sa PCSO dahil sobrang dami nyo pong natutulungan na mga Pilipino. Mabuhay po ang PCSO.”
Ang proyektong ito ng PCSO ay pinangunahan ng Product Standard and Development Department (PSDD) sa pangunguna ng kanilang Department Manager na si Gng. Laila D. Galang. Ayon sa kanya ito ay pagbibigay halaga at inspirasyon sa mga “SUPER PINAY” ng bansa na nagpapakita ng walang patid na tapang at husay sa abot ng kanilang makakaya lalo na sa panahon ng pandemya. Nagpasalamat din sya sa mga sumusuporta sa mga laro ng PCSO “Maraming Salamat po sa patuloy po ninyong pagtangkilik sa mga produkto at laro ng PCSO. Kayo po ang inspirasyon namin sa pagtulong. Mabuhay po ang mga Kababaihan, Mabuhay ang mga Pilipino.”
Sabay-sabay na isinagawa ang proyektong ito sa lahat ng branch offices ng PCSO sa buong bansa.
Samantala, nakibahagi at nagpakita din ng suporta ang Sweepstakes Employees Union (SEU) sa selebrasyon. Namahagi ng libreng taho para sa mga tumatangkilik sa PCSO.
Hinihikayat naman ni PCSO Vice Chairperson and General Manager Royina Marzan Garma na patuloy suportahan ang PCSO sa pamamagitan ng pagtangkilik sa mga produkto at laro ng PCSO dahil dito nanggagaling ang 30% na ipinantutulong sa medical at iba pang programa na may kinalaman sa kawanggawa ng PCSO.
Ipinaalala din ng PCSO sa publiko ang tungkol sa Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na nagsasaad na ang lahat ng panalo na higit sa halagang Php10,000.00 ay may 20% na buwis. Ayon naman sa batas (RA 1169) ang nanalong tiket ay pwede lamang kubrahin sa loob ng isang (1) taon mula sa petsa ng bola nito, pagtapos nito ay mawawalan na ito ng bisa.