Simula sa susunod na buwan, libre na ang mammogram at ultrasound screening para sa mga kababaihan na miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ang inanunsiyo ni ACT-CIS Partylist Representative Erwin Tulfo sa pulong balitaan sa Kamara kung saan pinaaga ito mula sa orihinal na plano na sa Hulyo pa.
Ayon kay Tulfo, inaprubahan ito ng board ng PhilHealth kahapon kung saan pasok din dito ang mga benepisyaryo.
Pero paglilinaw ng kongresista, para lamang ito sa mga institusyon na partner ng PhilHealth Konsulta.
Samantala, inaprubahan din ang panukala para itaas ang capitation rate para sa mga miyembro nito sa ilalim ng Konsulta package.
Ayon sa Department of Health, itinaas na ang PhilHealth Konsulta sa ₱1,700 sa mga pasyente kada taon.
Ang “Konsulta” ay isang primary care benefit package ng PhilHealth kung saan nagbibigay ng libreng annual check-ups, piling diagnostics, at medications ang state insurer sa mga miyembro nito.