Libreng mas testing at pinahusay na contact tracing, mas dapat atupagin ng gobyerno sa halip na pwersahin ang publiko na magpabakuna

Sa halip na pigilin ang galaw ng mga hindi bakunado ay iminungkahi ni presidential aspirant Sen. Manny Pacquiao sa pamahalaan na magsagawa ng libreng rapid antigen at RT-PCR tests para sa lahat.

Ayon kay Pacquiao, dapat din ay magkaroon ng uniform, reliable and integrated contact tracing mobile application para mas madaling matugunan ang pandemya.

Sabi ni Pacquiao, mas mainam ang nabanggit na hakbang sa halip na magpatupad ng mga polisiya na pumipilit sa publiko na magpabakuna tulad ng no vaxx no ride policy at pagbabawal sa kanilang lumabas.


Paliwanag ni Pacquiao, ang pagsasagawa ng mass testing at systematic contact tracing ay magbibigay ng kakayahan sa mga health authorities para agad na maihiwalay ang mga dinapuan ng COVID-19 nang hindi sinisikil ang karapatan ng mga hindi bakunado.

Ipinunto ni Pacquiao na bagama’t totoong mas mataas ang peligro ng mga hindi bakunado ay hindi ito batayan para tratuhin sila na parang may mga nagawang paglabag sa batas lalo’t tama naman ang obserbasyon na pareho pa rin namang nagkakasakit at nakakahawa ang mga bakunado at hindi bakunado.

Facebook Comments