Iniutos si Manila Mayor Isko Moreno ang pagsasagawa ng libreng COVID-19 mass swab testing para sa mga vendor, tsuper at iba pang mga manggagawa sa lungsod.
Sa Executive Order No. 39, sakop ng libreng RT-PCR testing ang mga public market vendors, mall at supermarket employees, hotel staffers, restaurant workers, e-trike, pedicab, jeepney at bus drivers.
Isasagawa ang libreng swab test sa Sta. Ana Hospital kung saan inilunsad ang ikalawang molecular laboratory na kayang magproseso ng 1,000 swab test kada araw.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Mayor Isko na nais ng lokal na pamahalaan na gawing panatag ang loob ng kanilang mga mamamayan na ang makakasalamuha nila ay walang sakit kasabay ng pagbubukas ng mga negosyo sa lungsod kahit mayroon pang pandemya.
Layon din aniya nito na mabalanse ang kalusugan at ekonomiya.
Pagtitiyak ng alkalde, hindi “one-time event” kundi regular nilang gagawin ang mass swab testing.
Kasabay nito, nagpasalamat si Moreno sa mga nagdo-donate sa lungsod para pondohan ang ginagawa nilang pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Nabatid na aabot sa P11 milyong donasyon ang natanggap ng lungsod mula sa mga pribadong indibidwal na ayaw na aniyang magpakilala.