Isinusulong ni Senator Raffy Tulfo na mabigyan ng libreng matrikula ang mga estudyanteng nais kumuha ng abogasya.
Tinukoy ni Tulfo na bagama’t mayroong batas para sa libreng tuition sa tertiary education, hindi naman kasama rito ang mga law students dahil ang mga ito ay nakapagtapos na rin ng kolehiyo o bachelor’s degree holder.
Sa ilalim ng Senate Bill 1610 o Free Legal Education Program, bukod sa sa libreng matrikula ay pinalilibre rin ang bayarin sa bar exam, licensure fees, at iba pang school fees ng mga kwalipikadong law students sa mga state universities and colleges (SUCs).
Marami aniyang gustong kumuha ng law na mula sa mahihirap na pamilya pero hindi maituloy dahil aabot ng P75,000 hanggang P98,000 ang gagastusin ng mga ito sa kada semester sa private legal educational institutions habang P24,000 hanggang P30,000 naman ang bayarin ng kukuha ng abogasya sa mga SUCs.
Nilalayon din ng panukalang batas na maitaas ang bilang ng mga abogado kung saan oobligahin muna ang mga ito na magserbisyo sa Public Attorney’s Office (PAO) o alinmang government agency na kulang sa abogado.
Binigyang diin ng mambabatas na isa sa dahilan ng kawalan ng hustisya sa bansa ay ang kakulangan din ng mga practicing lawyers.