Manila, Philippines – Pinapipirmahan na sa lalong madaling panahon ng Kamara kay Pangulong Duterte ang panukala para sa libreng paggamit ng sanitary facilities tulad ng mga restrooms sa mga land transportation terminals at iba pang kahalintulad na lugar.
Sa ilalim ng House Bill 725 ay ipinagbabawal ang paniningil ng bayad sa mga pasahero sa paggamit ng mga ito ng comfort room, hand washing at drinking facilities sa mga transportation terminals, bus stations, stops at rest areas.
Para makalibre naman ang mga byahero sa paggamit ng sanitary facilities kailangan lamang ipakita sa terminal o rest areas ang bus ticket ng mismong araw na iyon.
Gayunman, kahit pinalilibre na sa paggamit ng sanitary facilities ang mga pasahero sa mga transportation terminals, obligasyon naman ng mga establisyimento na panatilihing maayos at malinis ang pasilidad para sa publiko.
Ang mga may-ari, operator o administrator ng Land transport terminals, stations, stops o rest areas na lalabag sa oras na maisabatas ito ay pagmumultahin ng P5,000.