Hinihimok ni Senator JV Ejercito, ang mga barangay health centers na mamahagi sa mga babaeng estudyante sa mga public schools at public health centers ng libreng menstrual products o mga gamit para sa buwanang dalaw.
Nakapaloob ito sa inihaing Senate Bill 2475 ni Ejercito, kung saan bibigyan ng libreng menstrual products gaya ng sanitary napkins ang mga estudyante sa elementarya hanggang high school na kailangan nang gumamit nito.
Ang mga barangay health centers ang inatasan naman na mamahagi ng nasabing produkto para sa mga batang babae sa kanilang lugar na walang pambili nito.
Tinukoy ni Ejercito, na ang kakulangan sa menstrual health care ay nagbubunga ng diskriminasyon at stigma partikular na sa mga kabataang babae at nagiging dahilan ito sa ilan na hindi tumuloy sa kanilang pagaaral dahil bukod sa nahihiya ay wala ring pambili ng sanitary pads.
Sinabi pa ng senador, na mismong ang World Health Organization (WHO) na ang nanawagan na kilalanin ng mga bansa ang menstrual health bilang isang karapatang pantao at bahagi ng kalusugan ng mga kababaihan.
Batay naman sa mga pagaaral, nakakatulong ang pamimigay ng menstrual products para makaiwas sa urinary at reproductive tract infections ang mga kababaihan na maaaring makaapekto sa kanilang sexual at reproductive health.