
Pinatulan ng Malacañang ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte hinggil sa pagbibigay ng “libreng advice” sa administrasyon para masolusyunan ang mga isyu ng bansa, kabilang ang problema sa pagbaha.
Ayon kay VP Sara, ang pakikipag-ugnayan niya sa mga overseas Filipino communities sa kaniyang mga biyahe ay nakatutulong para makakuha ng mga ideya at best practices na maaaring magamit sa Pilipinas.
Pero giit ng Bise Presidente, hindi siya “libre na consultant” ng administrasyon gayunpaman, maaari din silang umikot sa iba’t ibang panig ng mundo para makakuha ng pananaw mula sa ibang mga kababayan.
Sagot naman ni Palace Press Officer Claire Castro, kung may mga natutunan nang solusyon ang Bise Presidente mula sa kanyang mga biyahe sa ibang bansa, mas makabubuting ibahagi na lamang ito upang makatulong sa mga lokal na pamahalaan, lalo na sa Davao City na pinamumunuan ni acting Mayor Baste Duterte.
Aabangan na lamang aniya ng administrasyon kung magiging epektibo ito at hindi na babaha sa kanilang lungsod.
Tiniyak naman ng Malacañang na patuloy ang mga hakbang ng administrasyon para masolusyunan ang pagbaha, lalo na sa mga pangunahing lungsod.









