Libreng PCR testing sa mga senior citizen at essential workers, tiniyak na maipapasa sa Kamara bago ang sine die adjournment ngayongl linggo

Ipatutupad agad ang libreng Polymerase Chain Reaction (PCR) test sa mga senior citizens at sa iba pang essential workers sa oras na maging ganap na batas ang House Bill 6865 o ang Crushing COVID Act.

Tiniyak ni House Majority Leader Martin Romualdez na aaprubahan nila ang panukala bago ang sine die adjournment o ang pagtatapos ng first regular session ng 18th Congress ngayong Huwebes.

Ayon kay Romualdez, Chairman ng Defeat COVID-19 Ad Hoc Committee (DCC), kailangan maipasa ang free PCR testing sa vulnerable sector upang mapigilan ang pagkalat ng Coronavirus Disease (COVID-19) bago pa man alisin ang lockdown sa bansa.


Sa ilalim ng panukala na inihain ni Iloilo City Representative Janette Garin, binibigyang mandato nito ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na saluhin ang PCR testing ng mga matatanda, essential workers kasama ang media at iba pang mga kabilang sa vulnerable groups.

Kasama rin sa sasaguting gastos ng PhilHealth ang bayad para sa serbisyo ng pathologist, laboratory specialist at iba pang laboratory staff.

Batay sa Department of Health (DOH) protocols, tanging ang mga indibidwal na nagpapakita ng sintomas ng COVID-19 at mga na-expose sa taong positibo sa sakit ang isinasailalim sa PCR testing.

Facebook Comments