Iginiit ni Minority Bloc member at Agri Party-list Rep. Wilbert Lee na makabubuting ituloy ng gobyerno ang libreng sakay program nito lalo na at mataas pa rin ang presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.
Pahayag ito ni lee makaraag lumabas sa budget briefing ng Department of Transportation (DOTr) na walang pondo sa 2023 budget ang service contracting program.
Ayon kay Transportation Undersecretary Mark Steven Pastor, hindi pinagbigyan ng Department of Budget and Management (DBM) ang hiling nilang ₱12 billion para sa naturang programa.
Diin ni Lee, dapat magpatuloy ang naturang programa dahil malaki ang maitutulong nito para maibsan ang paghihirap ng ating mga kababayan lalo na sa pagbyahe dito sa Metro Manila.
Dahil dito ay umaapela si Lee sa mga kasamahang mambabatas na kanilang ikonsidera ang pagpapaloob ng ₱12 billion sa 2023 budget ng DOTr para sa libreng sakay program.
Isinulong din ni Lee na maibigay ng buo ang 6.6 billion pesos para matapos na ng Land Transportation Office (LTO) ang backlog sa plaka ng mga sasakyan.