“Libreng sakay” ng DOTr para sa health workers program, nakapagsilbi na ng higit 2 million ridership

Ibinida ng Department of Transportation (DOTr) na mula nang simulan noong Marso 2020, nakapagtala na ng higit dalawang milyong ridership ang kanilang libreng sakay o Free Ride Service for Health Workers Program sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay DOTr Road Transport and Infrastructure Assistant Secretary Mark Steven Pastor, ang total ridership na 2,001,461 ay naitala sa buong bansa hanggang January 7 ngayong taon.

Base sa datos, ang National Capital Region (NCR) ang pinakamaraming naitalang ridership na aabot sa 554,625 mula ng ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon noong March 18.


Ayon kay Pastor kahit inalis na ang ECQ ay nagpapatuloy pa rin ang serbisyo ng libreng sakay sa mga health workers sa 20 ruta sa Metro Manila.

Samantala, abot naman sa 1,446,836 health workers sa iba pang rehiyon ang nabebenepisyuhan ng free ride services na alok ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Nagpaalala pa ang DOTr sa mga bus at iba pang sasakyan na kasama sa libreng sakay program na exempted pa rin sila sa pagbabayad ng toll sa lahat ng expressways sa Luzon.

Facebook Comments