Sa halip na hanggang ngayong araw lamang ay nagpasya ang House of Representatives na palawigin hanggang sa Biyernes ang inilunsad nitong libreng sakay katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ang hakbang ng Kamara ay makaraang magkasa din ng tigil-pasada mula ngayong araw hanggang sa Biyernes ang grupong Manibela habang nitong Lunes naman hanggang ngayon ay umiiral ang tigil-pasada na isinagawa ng PISTON.
Una nang inihayag ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na limang bus mula sa kanyang opisina ang ipinadala sa MMDA para gamiting “rescue vehicles” na masasakyan ng mga stranded commuter patungo sa kanilang trabaho, o pauwi sa kanilang tahanan.
Ang nabanggit na limang bus ay umiikot sa mga ruta na kinabibilangan ng Sucat-Baclaran; Pasig-Momumento-Quiapo; Philcoa-Doña Carmen; Parañaque City hanggang City Hall; at Antipolo-Quiapo.