Libreng sakay ng lokal na pamahalaan Las Piñas para sa frontliners, nagpapatuloy

Tuluy-tuloy pa rin ang pagsasagawa ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas ng libreng sakay para sa frontliners sa kabila ng pagsasailalim sa Metro Manila sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Nabatid na sa ilalim ng patakaran ng MECQ, suspendido ang lahat ng pampublikong sasakyan sa lungsod kaya’t ito ang handog na tulong ng lokal na pamahalaan.

Bukod sa frontliners, may libreng sakay rin ang Las Piñas Local Government Unit (LGU) sa mga residenteng may mahahalagang pakay tulad ng pagpasok sa trabaho at pag-uwi sa kanilang tahanan.


Nasa 12 unit ng bus ang inilaan para sa libreng sakay na may iba’t ibang ruta mula sa Zapote, Manuyo Uno at City Hall.

Paalala naman ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas na magsuot palagi ng face mask, magdala ng ID at pairalin ang social distancing sa tuwing sasakay ng bus.

Samantala, mas pinaigting pa ng Las Pinas City Police ang kanilang pagpapatrolya at police visibility para tiyaking nasusunod ang health protocols sa iba’t ibang lugar partikular sa mga pamilihang bayan at talipapa sa lungsod.

Facebook Comments