
Umapela ang isang grupo ng manggagawa kay Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng libreng transportasyon para sa mga magbabalik na sa trabaho simula bukas.
Ayon kay Associated Labor Union Executive Vice President Gerard Seno, hinihiling nila sa pamahalaan na maglaan ng mga government vehicles para masakyan ng mga empleyadong nagtatrabaho sa mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSME’s).
Paliwanag ni Seno, karamihan sa mga nagtatrabaho rito ay walang kakayahang mabigyan ng shuttle service ng kanilang mga employer.
Hiniling din ng labor group na ipagamit ang mga sasakyan ng mga Government Agencies, Departments at Government-Owned and Controlled Corporations bukod sa mga passenger trucks at service buses mula sa Metro Manila Development Authority (MMDA), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Anila, pansamantala lamang naman ito habang hindi pa ibinabalik ang mga pampublikong transportasyon na unang sinuspinde ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases dahil sa umiiral na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) kaugnay pa rin sa banta ng COVID-19.









