
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng libreng sakay sa MRT-3, LRT-1, at LRT-2 simula ngayong araw, Nobyembre 10 hanggang bukas, Nobyembre 11, para makatulong sa mga commuter na apektado ng Super Typhoon Uwan.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), kasama ring magbibigay ng libreng sakay sa mga bus ang Office of the President, Philippine Coast Guard (PCG), at Philippine Ports Authority (PPA).
Ang mga rutang sasakupin ay Quiapo–Fairview, Quiapo–Angono, Lawton–Alabang, Roxas Boulevard–Sucat, at Taft–Cubao.
Kasabay nito, inalis na rin ng PPA ang RoRo terminal fees para sa mga sasakyang maghahatid ng rescue equipment at relief goods, kabilang ang mga government at private vehicles na tutulong sa mga apektadong lugar.
Libre rin ang cargo fees sa local airlines para sa mga eroplanong magdadala ng tulong sa mga nasalantang residente, habang inatasan ng DOTr ang Toll Regulatory Board (TRB) na gawing libre ang toll para sa mga rescue at emergency vehicles na dadaan sa expressways.









