Libreng sakay sa Pasig River Ferry Service, sisimulan na sa darating na Lunes ayon sa MMDA

Inihayag ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na simula sa Lunes, August 3, 2020 ay bubuksan na sa publiko ang partial operations ng Pasig River Ferry Service ng walang bayad.

Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, masaya niyang ibinabalita sa publiko na kalahati lamang ang kapasidad ng mga pasahero kabilang na ang Ferry boat crew upang maipatupad nila ang health protocols na social distancing upang ipagpatuloy ang libreng sakay sa mga pasahero ng ferry.

Paliwanag ni Lim na ang Ferry stations na inisyal na mag-ooperate sa lunes sa Pinagbuhatan, San Joaquin, Guadalupe, Valenzuela, Lawton at Escolta, ay magbibigay ng serbisyo mula Mondays to Saturdays mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng hapon pero magbabawas sila ng 50 porsyento na kapasidad alinsunod sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force.


Dagdag pa ni Lim, ang ruta ng Ferry boat ay ang mga sumusunod:
• Guadalupe to Escolta at vice versa
• Guadalupe papuntang San Joaquin at vice versa

Sinabi pa ng opisyal na bilang paghahanda ng operasyon ng Pasig River Ferry Service, lahat ng Ferry stations at Ferry boats, kabilang ang docking and maintenance facilities ay kinakailangang sumailalim sa mandatory disinfection kung saan maglalagay rin ng floor markings, stickers at posters sa Ferry station upang maging gabay sa mga pasahero bilang pag-obserba sa ipinatutupad na physical distancing.

Ayon naman kay Frisco San Juan Jr., MMDA Deputy Chairman and Ferry Service Head, mayroong mga standard operating procedures na dapat sundin ng mga pasahero, ito ang mga sumusunod:
• No mask, no entry
• Physical Distancing ay dapat na maipatutupad sa lahat ng oras
• hindi papasukin ang mga pasahero na may lagnat o ubo at ang body temperature ay mahigit sa 37.5 degrees celsius
• tanging ang may edad 21-59 anyos ang pahihintulutang pumasok sa Ferry boats

Facebook Comments