Libreng sakay sa rutang Cubao-Santolan ng LRT-2, pinapadagdagan ng isang Senador

Umapela si Senator Imee R. Marcos sa pamunuan ng Department of Transportation, Philippine Coast Guard at Metro Manila Development Authority na magdeploy ng karagdagang libreng sakay sa rutang dinadaanan ng LRT-2, lalo na sa Anonas, Katipunan at Santolan kung saan sarado pa ang operasyon ng mga tren.

Bumibiyahe ang free bus rides sa mga apektadong pasahero sa pagitan ng Santolan hanggang Cubao stations mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.

Nitong Martes lamang, binuksan muli ang mga istasyon mula Recto hanggang Cubao matapos mahinto ang buong operasyon nito noong October 3, nang may nasunog na power rectifier sa Katipunan station.


Kaugnay nito ay hiniling din ni Sen. Marcos sa LRT administration na bumalangkas ng pangmatagalang contingency measures para di na maulit ang aberya at ang napakalaking problemang idinudulot sa mga mananakay.

Bukod dito ay inirekomenda rin ni Marcos na dapat buhayin ang Love Bus sa Metro Manila para makatulong sa mga pasahero.

Ang Love Bus ang kauna-unahang aircon bus sa Metro Manila na pinatatakbo ng gobyerno na may sariling drop-off at pick-up points na bumibiyahe noon mula sa Escolta, Maynila patungo ng Philcoa, Cubao at Makati.

Facebook Comments