LIBRENG SERBISYO NG CHO, DINADAGSA; MGA MAY KARAMDAMAN, HINIHIMOK NA MAGPA CHECK UP

Cauayan City, Isabela- Hinihikayat ngayon ng Cauayan City Health Office ang sinuman na may karamdaman o iniindang sakit na magtungo lamang sa kanilang tanggapan para masuri at mabigyan ng kaukulang panlunas.

Dahil sa pabago-bagong panahon, marami ang mga lumalapit sa health center ng Lungsod ng Cauayan para magpacheck up kung saan bukas naman ito para sa lahat ng mga gustong magpakonsulta. Sa ating panayam kay Nurse 1 Vianney Uy ng City Health Office 1, tuloy-tuloy pa rin aniya ang kanilang libreng serbisyong medikal gaya na lamang ng general at Laboratory check up; Anti Rabies vaccination; check up sa mga buntis, check-up sa mga may matagal ng Ubo o may TB; bunot sa ngipin; pag asiste sa mga sasailalim ng Family planning;at ang kanilang Covid-19 vaccination activity.

Sa mga nabanggit na serbisyo, mayroon lamang sinusunod na schedule gaya ng pagbabakuna ng anti-rabies na isinasagawa lamang tuwing araw ng ng Martes at Huwebes; Lunes, Miyerkules at Biyernes naman sa pagbabakuna ng COVID-19 vaccine; Martes at Huwebes ang Check Up sa mga buntis; araw ng Martes naman ang Family Planning at kada lunes, Miyerkules at Biyernes naman ang tooth extraction o bunot sa ngipin.

Araw-araw naman ang pag-aasikaso sa mga nais magpa check up ganun din sa mga may malalang ubo o Tuberculosis.

Nilinaw ni Uy na 20 katao lamang sa kada araw ng skedyul ang ineentertain sa libreng bunot sa ngipin.

Libre lahat ang mga serbisyong ibinibigay ng City Health Office sa mga pasyente at bukas lamang ang kanilang tanggapan para sa lahat ng mga gustong magpa check-up.

Ayon pa kay Uy, araw-araw aniya na dinadagsa ng mga nagpapakonsulta ang CHO dahil na rin sa mga sakit na kadalasang epekto ng pabago-bagong panahon tulad ng sakit sa ulo, lagnat, ubo at sipon.

Pinapayuhan naman ang lahat ng mga Cauayeño na kung may karamdaman o iniindang sakit ay huwag nang mag-atubiling magtungo sa Health Center para magpacheck-up at mabigyan ng gamot.

Samantala, patuloy pa rin hinihikayat ang mga hindi pa nabakunahan o nakapag second dose at booster dose na magtungo lamang sa health center para mabakunahan.

Sa ngayon, nasa 94% na ang nabigyan ng first dose habang nasa halos 90% naman ang fully vaccinated sa mga Cauayeño.

Kaugnay nito, nasa sampung porsyento na lamang ang target na mabakunahan sa Lungsod ng Cauayan para makamit ang isang daang porsyentong vaccination rate.

Facebook Comments