Muling ibinabalik ni Vice President Leni Robredo ang libreng shuttle service para sa health workers at iba pang frontliners matapos ibalik ang Metro Manila sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Mayroong walong ruta ang shuttle service para sa unang araw ng MECQ sa Metro Manila.
Sa Facebook Post, sinabi ni Robredo na ang mga ruta ng bus rides ay sakop ang mga ospital sa Metro Manila na may tig-isang biyahe sa umaga at sa hapon.
Aniya, ang inisyatibong ito ay para gawing posible muli ang pagtutulungan o pagbabayanihan.
Ang libreng bus ride ay proyekto ng Office of the Vice President (OVP) at mga partner ng Angat Buhay.
Ang mga pasahero ay kailangang ipakita ang kanilang hospital ID para maaari silang makasakay sa shuttle.
Mahigpit na ipapatupad ang health protocols tulad ng temperature checks at physical distancing.
Ang mga ruta ng shuttle service ay Starmall Alabang patungong PNB Blumentritt corner Leonor Rivera St. sa lungsod ng Maynila, Heritage Hotel EDSA Extension patungong Lung Center of the Philippines sa Quezon City, SM MOA EDSA patungong Amang Rodriguez Memorial Medical Center, EDSA Extension/Macapagal Ave. patungong Monumento at vice versa.
Mayroon ding SM Fairview patungong Lawton sa Maynila, Heritage Hotel patungong Balintawak LRT, SM Masinag patungong Philippine General Hospital; SM Masinag patungong Veterans Memorial Medical Center, Quezon City,at vice versa.