Libreng makakadaan ang mga motorista sa mga expressways sa ilalim ng Metro Pacific Tollways Corporations (MPTC).
Ito ay dahil magpapatupad ang MPTC ng toll-free sa North Luzon Expressway (NLEX), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), Cavite Expressway (CAVITEX), C5 Link, at Cavite-Laguna Expressway (CALAX).
Sa abiso ng MPTC, walang kokolektahing toll sa mga nabanggit na expressways mula alas-10:00 ng gabi ng December 24 hanggang alas-6:00 ng umaga ng December 25, at alas-10:00 ng gabi ng December 31 hanggang alas-6:00 ng umaga ng January 1, 2021.
Ayon kay MPTC President and CEO Rodrigo Franco, munting handog nila ito sa kanilang mga customers ngayong holiday season.
Sinabi rin ni Franco na pinaghandaan na nila ang pagdagsa ng mga motorista kaya ipapatupad nila ang “Safe Trip Mo, Sagot Ko” motorist assistance program.
Pinaigiting ng MPTC ang operasyon nila hanggang January 4, 2021 para bigyan ang mga motorista ng ligtas at maginhawang biyahe.
Magpapakalat ng patrol crews, traffic marshals, security teams, at RFID Assist Squads para umalalay sa mga motorista.
Mayroon ding naka-stand by na emergency medical services at incident response teams.