LIBRENG WIFI AT PELIKULA, HATID SA MGA EVACUEE SA ROSALES

Nagbibigay ng libreng WiFi at palabas na pelikula ang Lokal na Pamahalaan ng Rosales sa mga evacuee sa gitna ng banta ng Bagyong Uwan.

Ayon sa LGU, layunin ng inisyatibo na makatulong sa pangkabuuang kapakanan ng mga lumikas sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaunting aliw habang naghihintay sa pagbuti ng lagay ng panahon.

Nagagamit din ang libreng WiFi upang manatiling konektado ang mga evacuee sa kanilang pamilya at sa mga opisyal na abiso ng pamahalaan.

Nananatili namang nakaalerto ang emergency response team ng Rosales, katuwang ang iba pang ahensya, upang tugunan ang pangangailangan at kaligtasan ng mga evacuee.

Patuloy na hinihikayat ng LGU ang publiko na mag-ingat at subaybayan ang mga opisyal na anunsyo kaugnay ng sitwasyon habang nananatiling nakataas ang banta ng Bagyong Uwan.

Facebook Comments