Libu-libong informal settlers sa Maynila, ililipat sa Cavite

Manila, Philippines – Libu-libong informal settler families sa lungsod ng Maynila ang nakatakdang ilipat sa bayan ng Naic, Cavite sa mga susunod na araw.
Mayroon na Memorandum of Agreement na lalagdaan sina Manila Mayor Joseph Estrada at Naic, Cavite Mayor Junio Dualan para sa “Off-City” relocation ng mga ISFs na naninirahan sa mga mga lansangan ng Maynila.

Sinabi ni Estrada na ilang alkalde na rin sa Bulacan at Rizal province ang hiningan niya ng tulong para sa posibleng Relocation sites ng mga informal settler sa Maynila pero si Dualan lamang aniya ang pumayag makipagtulungan sa Manila City Govt. kaugnay sa problema ng informal settlers.

Bilang pasasalamat, bukas aniya siya na maging sister City ang Naic, isang first class Municipality sa Cavite 47 kilometro ang layo sa Maynila.


Base sa inisyal na kasunduan, pumayag ang Naic, bilang “Receiving LGU”, na tanggapin ang 700 ISFs o 3,500 tao na ililipat ng Maynila kapalit ng ilang kondisyon.

Ilan dito ay ang pagdo-donate ng Maynila, na “Sending LGU”, ng dalawang bagong dump truck na nagkakahalaga hanggang 3.4 milyon piso at “2 libo per year, per family” – o 1.4 milyon piso kada taon – sa bayan ng Naic.

Ibibigay din ng Maynila ang “Post-Relocation Assistance” na ito sa Naic hanggang 2019 at ma-“census” na ang 700 ISFs bilang lehitimong residente ng munisipalidad.

Facebook Comments