Cauayan City, Isabela-Sumailalim sa Aggressive Mass Testing ng National Task Force ng Department of Health ang nasa 500 katao sa lungsod ng Ilagan laban sa banta ng COVID-19 makaraang idaos ito sa magkahiwalay na lugar na Isabela National High School Gymnasium at San Antonio Covered court.
Ayon kay City Health Officer Dra. Herbee Manaligod Barrios, target sana ng DOH na masuri ang mga barangay sa lungsod na may maraming bilang ng mga tinamaan ng virus subalit dahil nasa walong (8) katao lang ang aktibo sa virus ay minabuting suriin na rin ang ilang senior citizen, mga buntis at mga frontliners.
Ito ay paraan upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng virus at magkaroon ng masusing hakbang para sa mga magpopositibo naman sa sakit.
Bukod dito,sumailalim rin ang nasa 1,500 katao mula sa Cauayan City at 3,500 katao mula naman sa Tuguegarao City, Cagayan.
Mailalabas naman ang resulta ng pagsusuri pagkalipas ng tatlong araw.