Libu-libong katao ang sumama sa paghahatid sa huling hantungan sa napatay na kapitana ng Barangay Bahong Silangan na si Crisell ‘Beng’ Beltran.
Naging pahirapan ang usad ng trapiko mula sa loob ng Barangay Bagong Silangan hanggang sa IBP Road bunsod ng napakaraming pribadong sasakyan, mga naka motorsiklo at pampasaherong jeep na sakay ang mga tagasuporta, mga kaibigan at alyado sa pulitika ni Beltran na nakasunod sa karo ng labi ni Beltran patungo sa himlayan nito sa Forest Lawn Memorial.
Nagsilabasan sa gilid ng mga kalsada ang mga residente ng Barangay Bagong Silangan para sa huling pagkakataon ay masilayan ang kanilang barangay chairwoman.
Nanawagan ng bukas o transparent na imbestigasyon ang mga tagasuporta ng napaslang na kapitana ng Barangay Bagong Silangan.
Sumama rin sa libing ang grupong ‘Justice for Beng Beltran’ na nangakong babantayan ang proseso ng paghahatid ng hustisya sa napatay na kapitana.
Iginigiit ng grupo na paanong nalusutan ang QCPD gayong naka full alert ito at may umiiral na gun ban.
Masyado rin anilang mapang-ahas ang mga pumatay sa kapitana dahil isinakatuparan ang pagpatay sa katanghalian tapat.
Nauna rito, na-inquest na sina Teofilo Formanes at ang magkakapatid na sina Ruel, Orlando at Joppy Juab na nahaharap sa kasong double murder at frustrated murder dahil sa pananambang kay Barangay Bagong Silangan Chairwoman Criselle Beltran at sa driver nitong si Melchor Salita noong Enero 30.