Inihayag ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III na libu-libong Agrarian Reform Beneficiaries (ARB) sa buong bansa ang nakinabang mula sa iba’t ibang suportang serbisyong interbensyon na ibinigay ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa unang 100 araw sa kanyang pamumuno.
Sa isang ulat na isinumite kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Malacañang, tinukoy ni Estrella na kabilang ang pagsasanay, pagbuo ng organisasyon, pagpapa-unlad ng negosyo, pag-uugnay sa merkado, pag-access sa pautang, pagkakaloob ng mga input sa sakahan, makinarya at kagamitan, sa iba’t ibang suportang serbisyo na ipinagkakaloob ng DAR sa mga ARB.
Paliwanag ni Estrella na ang land redistribution ay kailangang tapatan ng suportang serbisyo at mga hakbangin sa pagpapaunlad upang maipatuloy ang kapakinabangan ng programa.
“Ang kanilang sistematikong paghahatid ng suportang serbisyo ay makatutulong sa pagpapalakas ng potensiyal ng mga ARB at mapataas ang produksiyon ng lupaing tinganggap nila mula sa pamahalaan,” aniya.
Binanggit ni Estrella na mula Hulyo hanggang Seteyembre 2022, ang DAR ay nakapagbigay ng pagsasanay sa 171,122 ARB, na 125.33% ng 136,533 target na ARB nito para sa parehong panahon.
Ang mga pagsasanay ay kinabibilangan ng organizational development, livelihood development, farm productivity enhancement technologies at marketing strategies para matulungan silang maging mas mahusay na mga magsasaka upang mag-ambag sa pagpapatatag sa sektor ng agrikultura ng bansa.
Dagdag pa ni Estrella, isa sa batayan ng tagumpay ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ay ang transpormasyon ng agrarian reform communities na maging self-reliant communities na makatutulong sa pag-angat ng agro-industrialization.
Giit pa ni Estrella na inaasahan ng ahensiya na ang mga interbensyon na ipinagkaloob ay magkakaroon ng agarang epekto sa pagtaas ng produktibidad ng lupa, madagdagan ang kita ng kanilang sambahayan at maitaguyod ang kapakanan ng mga ARB.