Handang-handa na sina Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson at kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, para humarap sa libu-libo nilang mga tagasuporta para sa kanilang inaabangang proclamation rally na gaganapin sa Imus Grandstand, Imus City, Cavite.
Sina Lacson at Sotto ay tumatakbo bilang presidente at bise presidente para sa Halalan 2022, ngayong araw magsisimula ang opisyal na panahon ng kampanya para sa bawat kandidato na naghahangad na maging isang halal na opisyal sa pambansang antas sa paparating na eleksyon sa Mayo 9.
Bago ang kanilang talumpati sa Imus Grandstand, dadalo muna sa banal na misa sina Lacson at Sotto sa Imus Cathedral, pagkatapos ay tutungo na sa Imus Grandstand for the Proclamation Rally at ganap na alas-5 ng hapon ay magsisimula na ang Proclamation Rally.
Ang mga public health at safety protocols ay mahigpit na ipatutupad sa Imus Grandstand gaya ng social distancing, pagsusuot ng face masks, at rapid antigen testing kung kinakailangan, alinsunod sa rekomendasyon ng mga awtoridad dahil sa patuloy na pandemya ng COVID-19.
Ang Lacson-Sotto tandem ay suportado ng tatlong political party sa bansa—ang Partido Reporma, kung saan chairman si Lacson; Nationalist People’s Coalition na ang chairman ay si Sotto; at ang National Unity Party na pinamumunuan naman ng kanilang campaign manager na si dating Interior Secretary Ronaldo Puno.
Isinusulong nina Lacson at Sotto ang mga plataporma ng mabuting pamamahala at paglaban sa korapsyon, na matagal nang bahagi ng kanilang mga adbokasiya.
Sa Senado ginugol ng mga batikang mambabatas ang kanilang mahabang karera sa pulitika. Natatangi sila sa ibang mga kandidato pagdating sa talino, karanasan, integridad, track record, at abilidad kaya silang dalawa lamang ang nakikitang may kakayahang makaresolba sa mga umiiral at papausbong pang mga problema ng bansa.
Ang pinakalayunin ng tambalang Lacson-Sotto para sa bayan ay maibalik muli ang tiwala ng publiko sa pamahalaan na nawasak sa mga nakalipas na taon, tulad ng kanilang mensahe sa simula pa lang ng pag-anunsyo ng kanilang kandidatura na “Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng Bawat Pilipino” at “Uubusin ang Magnanakaw.”