Iniimbestigahan ngayon ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) ng Department of Agriculture (DA) ang umano’y iregularidad sa pagbili ng libu-libong traktora sa pagsasaka sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization program noong 2021.
Ayon kay PhilMech Director Dionisio Alvinda, nasa 1,346 units ng farm tractors ang binili sa halagang 1.3 million pesos, mas mataas ng 98,000 pesos kumpara sa approved bidding cost nito na 1.2 million pesos.
Lumalabas na mas mahal ito ng 130 milyong piso kumpara sa inaprubahang halaga.
Problemado ngayon ang ahensya kung paano babayaran ito dahil may technical at gross violation sa procurement law kapag lumagpas sa itinakdang presyo.
Mababatid na naipamahagi na ito sa magsasaka kaya naniningil na ang mga suppliers ng bayad at ayon kay Alvinda ay humingi na ito ng legal advice mula sa DA upang magawan ng paraan.