LIBU-LIBONG PUNLA NG KAPE, CACAO, GOMA, AT MANGGA, IPINAMAHAGI SA FARMER-COOPS SA MAGUINDANAO!

Sinimulan na ng DA-Maguindanao ang pamamahagi ng mahigit 700,000 punla ng iba’t-ibang pananim para sa mga kooperatiba ng magsasaka sa Probinsiya ng Maguindanao sa pamamagitan ng isinagawang mass distribution of seedlings na ginanap sa Double Up Nursery sa Barangay Blensong, Upi, Maguindanao.
Mula rito, 250,000 ang punla ng kape, 250,000 ang cacao, 200,000 ang punla ng goma, at 2,000 naman ang punla ng mangga.
Dumalo sa naturang aktibidad ang mga magsasakang benepisyaryo ng mga punla mula sa iba’t-ibang bayan sa Maguindanao kasama ang kanilang municipal agricultural officer at mga agricultural technologists na nagsilbing kaagapay nila.
Ayon kay Maguindanao High Value Crops Development Program (HVCDP) Coordinator Dr Baingan A. Iba, pinakalayunin ng pamamahagi na matulungang umunlad ang produksiyon at tumaas ang kita ng mga magsasaka buhat sa kape, cacao, goma, at iba pang high value crops.
Ipinaalam din niya sa mga farmer recipients na marapat na itanim at palaguin nila ang mga punla dahil magsasagawa ang departamento ng monitoring and evaluation mula sa pagtatanim hanggang sa pag-ani ng bunga ng mga ito.

Facebook Comments