Pinabubusisi ni Senator Risa Hontiveros sa Senado ang pagpapatupad ng bagong administrative order ng Philippine Ports Authority o (PPA) na maaaring pumatay sa kabuhayan ng libu-libong mga manggagawa sa pantalan at cargo handlers sa bansa.
Ang tinutukoy ni Hontiveros ay ang “Port Terminal Management Regulatory Framework,” kung saan nakasaad na ang operation at management ng pantalan sa ilalim ng PPA ay igagawad sa may pinakamataas na concession fees sa public bidding.
Ikinatwiran ni Hontiveros sa inihain na Senate Resolution No. 775 na dapat suriin ang nabanggit na kautusan upang matiyak na mabawasan ang dagok sa kabuhayan ng port workers at masiguradong patas ang mangyayaring public bidding.
Layunin din ng pagdinig na matiyak kung nagkaroon ng konsultation sa stakeholders bago ipatupad ang administrative order na mukhang mas papabor sa malalaking korporasyon na may kakayahang mag-offer ng malaking concession fees kaysa sa mga kooperatiba at maliliit na negosyante.
Diin ni Hontiveros, kailangang maprotektahan ang trabaho ng libu-libong port workers, cargo handlers, at iba pang mga nagtatrabaho sa shipping industry dahil napakahalaga ng papel nila sa ekonomiya lalo na ngayong may pandemya.