
Isinusulong ni Senator Erwin Tulfo ang panukala na gagawing krimen ang modus na “License for Rent” ng mga contractor ng DPWH na siyang iligal na gawain na natuklasan ng Senado sa gitna ng pagdinig tungkol sa maanomalyang flood control projects.
Sa ilalim ng Senate Bill 1453 o ang “License Integrity Act” na inihain ni Tulfo, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapahiram, paghiram at iligal na paggamit ng lisensya.
Nakasaad sa panukala na ang mga lalabag dito oras na maging ganap na batas ay mahaharap sa pagkakabilanggo na hindi bababa sa tatlong taon at hindi hihigit sa 12 taon at multa na hindi bababa sa P300,000 at hindi naman hihigit sa P3 million.
Bukod sa mga contractor ng DPWH, saklaw din ng panukalang ito ang lisensya ng mga customs brokee ng Bureau of Customs at mga environmental licenses sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Mahaharap din sa parusang administratibo at kriminal ang opisyal ng gobyerno na mapapatunayang nag-isyu ng lisensya sa mga walang kwalipikasyon na aplikante.









