Kusang loob na sumuko sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang lider at limang miyembro ng private army group sa Maguindanao kahapon.
Ayon kay PNP Chief General Debold Sinas, ang mga sumuko ay kinilalang sina Bobby Pananggalan, dating Barangay Chairman ng Barangay Indatuan, Northern, Kabuntalan, Maguindanao.
Siya ang nagsisilbing lider ng Pananggalan private army group.
Ang kanyang mga tauhang sumuko ay sina Ket Guiaman, Amirudin Talitay, Norodin Andikat, Panoy Cantero at Tol Amilon.
Sila ay sumuko sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region sa pamumuno ni Regional Director Brig. Gen. Samuel Rodriguez sa Camp BGen. Salipada Pendatun, Parang, Maguindanao.
Ayon kay Sinas, ang pagsuko ng private army group ay dahil sa full-blast drive ng PNP laban sa mga partisan armed groups at loose firearms.
Isinuko rin ng mga ito ang ilang matataas na kalibre ng armas, mga bala at mga pampasabog.