Lider at dalawang miyembro ng criminal group, naaresto ng PNP-CIDG sa magkahiwalay na operasyon

Huli ang lider at dalawang miyembro ng criminal group sa ikinasang operasyon ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa operasyon sa Mt. Province, Bukidnon at Capiz.

Kinilala ang mga naaresto na sina Gilbert Patiti, Joel Modelo at Jessie Jardin.

Sa ulat ng CIDG, unang naaresto si Gilbert Patitii, 44-anyos, sa Mankayan, Mt. Province sa pamamagitan ng warrant of arrest dahil sa kasong robbery with intimidation.


Siya ang lider ng criminal group na sangkot sa pagnanakaw at nag-o-operate sa Cordillera Region.

Modus ng kanilang grupo ang mag-apply na security guard para makapagmanman sa mga target nilang establisyemento.

Habang si Joel Modelo, 55-anyos, naaresto sa Purok 7, Dabongdabong, Brgy. Mailag, Valencia City, Bukidnon matapos makuhaan ng iba’t ibang klase ng armas nang salakayin ng mga pulis ang kanyang tinitirhan.

Huling naaresto ang 21-anyos na si Jessie Jardin sa Altavas St., Poblacion VIII, Roxas City, Capiz.

Inaresto ito matapos maaktuhang nagbebenta ng ilegal na droga sa pulis na nagpanggap na buyer, at makuhaan ng mga baril at bala.

Facebook Comments