Lider at mga miyembro ng criminal gang, arestado sa magkakahiwalay na operasyon ng PNP sa Cagayan De Oro City, Bataan, at Batangas

Nahuli ang tatlong lalaking kabilang sa criminal gangs sa ikinasang magkakahiwalay na operasyon ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Cagayan De Oro City, Bataan, at Batangas.

Sa ulat ng PNP-CIDG, unang naaresto ang isang Jaymel Habla sa Brgy. Lumbia, Cagayan de Oro City.

Si Habla ay umano’y lider ng “Habla Group” na sangkot sa Gun-for-Hire, Gunrunning, at Robbery-Hold-Up activities na nag-o-operate sa Misamis Oriental at Cagayan de Oro City.


Pangalawang naaresto ay si Marco Libo na nadakip sa Brgy. Maligaya, Dinalupihan, Bataan.

Si Libo ay miyembro ng notoryus na “Napinas CG” na sangkot sa Gun-for-Hire, Gunrunning, at transaksyon ng iligal na droga sa lalawigan ng Bataan.

Habang ang isa pang naaresto ay si John Paul Llego na nahuli sa Brgy. Calicanto, Batangas City, Batangas.

Si Llego ay kabilang sa No. 10 Most Wanted Person sa Urdaneta City at San Manuel, Pangasinan at umano’y miyembro ng “Evangelista Group” na sangkot sa ‘Akyat Bahay’ at nag-o-operate sa 4th District ng Pangasinan.

Facebook Comments