Rumesbak si dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario sa mga bagong patutsada sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa huli niyang public address, sinabi ni Pangulong Duterte na iimbestigahan niya si Del Rosario dahil sa kanyang naging papel kung bakit nawala sa Pilipinas ang Scarborough o Panatag Shoal noong 2012.
Itinanggi rin ni Pangulong Duterte na naimpluwensyahan ng China ang 2016 elections kaya siya nanalo.
Ayon kay Del Rosario, hindi dapat binoboto ng mga Pilipino ang taong ‘mabait’ sa China.
“For this coming election, our humble view is our people should vote for the candidate who is good for our country- and not one who is good for China,” sabi ni Del Rosario.
Hindi ito ang unang beses na pinuna ni Del Rosario ang pakikipagkaibigan ni Pangulong Duterte sa China.
Matagal nang ipinapahayag ni Del Rosario na itaguyod ni Pangulong Duterte ang 2016 arbitral decision ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague.