
Patay sa isinagawang operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang itinuturing na pinakamataas na lider at eksperto sa paggawa ng bomba ng teroristang Dawlah Islamiyah–Hassan Group (DI-HG) sa Barangay Satan, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, kahapon.
Kinumpirma ni 601st Unifier Brigade Commander, BGen. Edgar Catu, ang pagkamatay ng lider na si Ustads Mohammad Usman Solaiman, na mas kilala bilang Amir ng nasabing grupo.
Si Solaiman ay kapatid ng nasawing teroristang si Ustadz Kamaro Usman, na kabilang din sa DI-HG at napatay noong Marso 2020 kasama ang dating kumander ng BIFF-Karialan Faction na si Kumander Badi.
Kilalang bihasang bomb maker si Solaiman at pamangkin ng kilalang teroristang si Basit Usman, na dating gumagawa ng mga bomba para sa Special Operations Group ng BIFF at may koneksyon sa Abu Sayyaf at Jemaah Islamiya.
Ang grupong pinangunahan ni Solaiman ay responsable sa mga bayolenteng pag-atake sa Mindanao, kabilang na ang mga bus bombing, ambush sa militar, at ang brutal na pagpatay sa tatlong nagbebenta ng kambing mula Batangas.
Ayon kay BGen. Catu, mahalaga ang ginampanang papel ng mga residente sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa presensya ng mga terorista sa lugar.
Pinuri naman ni 6th Infantry Division at Task Force Central Commander, MGen. Jose Vladimir Cagara, ang matagumpay na operasyon ng nasabing unit.









