Matapos ang ilang beses na babala ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chair Ronald “Bato” dela Rosa, tuluyang pina-contempt sa Senado ang lider ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) na si Jay Rence Quilario na tinatawag na si “Senyor Agila” at ang tatlong iba pang matataas na myembro ng umano’y kulto.
Nagmosyon si Women, Children, Family Relations and Gender Equality Committee Chair Risa Hontiveros na ipa-contempt na sina Senyor Agila kasama sina Mamerto Galanida, Janeth Ajoc, at Karren Sanico.
Ito ay kinatigan naman ni Dela Rosa at agad na ipinag-utos sa Office of the Sergeant at Arms (OSAA) ang pagkuha sa physical custody ng apat.
Nag-ugat ang pagpapa-contempt sa apat sa patuloy na pagtanggi nila na may nagaganap na sapilitang pagpapakasal sa mga menor de edad.
Kanina sa pagdinig ay humarap ang mga menor de edad na testigo kung saan kinukumpirma nila ang nangyayaring sapilitang ‘child marriages’, panghahalay ni Senyor Agila, forced labor sa mga kabataan, pagbabawal sa kanila na mag-aral, militar na pagsasanay sa mga kabataan at malalang pagpaparusa kapag hindi sinunod ang utos ng Senyor.