Lider ng martilyo gang na umaatake sa mga tindahan ng alahas sa Metro Manila, naaresto na

Manila, Philippines – Matapos ang apat na taon, nahuli na ang lider ng martilyo gang na responsable sa mga panloloob ng mga tindahan ng alahas sa Metro Manila.

Kinilala ang suspek na si Sulayman Dimapuro, alyas jomar at alyas Muslimen Utap Idemawan.

Ayon pa kay Police Chief Supt. Tomas Apolinario, Southern Police District Director, nahuli si Dimapuro nang isumbong sa pulisya na nagbebenta ng shabu nang may bitbit na baril sa barangay Ca-A, Las Piñas.


Aniya, nakuha mula sa suspek ang isang kalibre .45 na baril, mga bala at dalawang sachet ng hinihinalang shabu.

May standing warrant rin aniya ang suspek dahil sa droga.

Maliban sa suspek, naaresto rin ang asawa nitong si Warda Alamada na tulak rin ng droga.

Si Dimapuro ang itinuturong utak sa pag-atake sa mga tindahan ng alahas sa Metro Manila.

Kabilang dito ang pag-atake sa Recto noong 2011, SM Mega Mall at North noong 2013, at sa Farmers’ Plaza at SM MOA noong 2014.

Tinawag silang martilyo gang dahil gumagamit ang mga ito ng martilyo sa pagbasag ng mga salamin sa mga tindahan ng alahas.

Kung hindi martilyo, gumagamit naman ang grupo ng llabe-tubo at bakal.

Nang ipagbawal na ang pagdadala ng mga ito sa mga mall, sa loob na ng hardware sa mall bumibili ng gamit ang mga suspek.

DZXL558

Facebook Comments