
Nananawagan si House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang pagpasa sa panukalang National Land-Use Law na simula pa noong 1990 ay paulit-ulit nang inihahain sa Kongreso.
Diin ni Libanan, ang magkasunod na matinding pananalasa ng Bagyong Tino at Uwan ay patunay na kailangang maisabatas ang panukala upang matugunan ang kahinaan sa National Land-Use Planning at Disaster Risk Management sa bansa.
Paliwanag ni Libanan, ang wastong land-use planning ay napakahalaga para sa Disaster Risk Reduction, Climate Resilience, at Environmental Integrity.
Tiwala rin si Libanan na ang panukala ay daan para matuldukan ang paglikha ng mga komunidad sa mga lugar na hindi ligtas lalo na sa pagbaha, at daluyong ng tubig mula sa karagatan.
Ayon kay Libanan, makatutulong din ang panukala para mapangalagaan ang ating ecological systems, tulad ng mga kagubatan, watersheds, at mga itinuturing na protected areas.
Tinukoy ni Libanan na ang proposed National Land-Use Law ay magsisilbing master framework ng Pilipinas para sa tamang paglalaan at paggamit ng pondo sa pamamahala at paglinang sa mga lupain at kalikasan o likas na yaman na syang magbibigay proteksyon sa mamamayan tuwing may kalamidad at iba pang trahedya.









