Nagpapatuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa iba pang pinuno at miyembro ng CPP-NPA-NDF matapos silang ideklara bilang mga terorista ng gobyerno.
Dahil dito, naaresto nang pinagsanib na pwersa ng militar at pulisya ang isang lider ng komunista na sangkot din sa kasong pagpatay sa Quezon City kamakalawa.
Kinilala ni PNP Spokesperson P/BGen. Ildebrandi Usana ang NPA leader na si Allan Morales alyas na “Budlat’, Joseph Erwin Rimando, Alvin Advincula at Dante Morales.
Nahuli ito ng mga tauhan ng PNP-CIDG, NCRPO at JTF-NCR sa tinutuluyan nito sa Saphire Street, Brgy. Payatas B, Quezon City, alas-12:00 ng tanghali nitong Miyerkules.
Narekober kay Morales ang iba’t ibang matataas na kalibre ng armas tulad ng 9mm submachine gun, kalibre .45 pistola, mga bala at isang granada.
Batay sa pag-iimbestiga, nagsilbi rin si Morales bilang Deputy Secretary ng Regional Committee ng Negros-Cebu-Bohol-Siquijor at dating Secretary ng Regional Peasant Sugar Workers Bureau ng Negros
Nagsilbi rin siyang secretary ng Regional Committee for Central Visayas at dating Secretary ng National Youth Student Bureau.