Agad kinontra ng liderato ng kamara ang Resolution of Both Houses No. 8, na inihain ni Ilocos Norte Rep. Angelo Barba na nagsusulong na mapalawig sa 5 taon ang termino ng mga kongresista mula sa kasalukuyang 3 taon sa pamamagitan ng pag-amyenda sa konstitusyon.
Ayon kay House Majority Leader and Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe, ang tanging isinusulong lang ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ay ang pag-amyenda sa mga economic provisions ng 1987 constitution.
Ayon kay Dalipe, nanatili ang naturang adbokasiya na pinaniniwalaan nilang makabubuti para sa bansa at susuportahan din ng mamamayang Pilipino.
Pinaalala ni Dalipe, ang isinusulong nilang economic chacha na nakapaloob sa Resolution of Both Houses No. 7 ay nakapasa na sa ikatlo at huling pagbasa at naipadala na nila sa Senado.
Giit pa ni Dalipe ang isinusulong ni Barba na constitutional amendments na pampulitika ay tiyak magdudulot ng pagkakahati-hati ng taumbayan bukod sa paghihinalaan din na ito ay para lang sa sariling kapakanan nilang mga mambabatas.