Liderato ng Kamara, buo ang suporta sa pagsusulong ng Senado sa Constituent Assembly tungo sa pag-amyenda sa 1987 Constitution

Buo ang suporta ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa paghahain ng isang resolusyon sa Senado na naglalayong magpatawag ng Constituent Assembly para sa isinusulong na pag-amyenda sa mga economic provisions ng 1987 Constitution.

Para kay Romualdez, ang hakbang ng Senado ay nakalinya rin sa layunin ng mga nagsusulong ng People’s Initiative para sa hangaring mabago ang Saligang Batas.

Ayon kay Romualdez, mahalagang hakbang ang resolusyon kaugnay sa layuning luwagan ang economic provisions sa Konstitusyon na nagpapatupad ng restrictions o paghihigpit sa pagpasok ng foreign direct investments sa bansa.


Diin ni Romualdez, ang pagrebisa sa Saligang Batas ay daan para maabot ng ekonomiya ang buong potensyal nito upang makasabay ang Pilipinas sa pagbabago ng global economic landscape.

Bunsod nito ay tiniyak naman ni Romualdez na magiging transparent, inklusibo at alinsunod sa pagnanais ng taumbayan ang magiging proseso kung saan pakikinggan ang tinig ng mamamayang Pilipino at poprotektahan ang kanilang kapakanan.

Facebook Comments