Manila, Philippines – Bunsod ng pahayag ni Speaker Pantaleon Alvarez na mahalagang maimbestigahan na ng Kamara ang pagpatay sa mga menor de edad, hinamon na ng mga kongresista si Alvarez na simulan na ang pagsisiyasat dito.
Ikinatuwa ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na nakikita na ni Alvarez ang kahalagahan na maimbestigahan ang mga kaso ng extra judicial killings at ang mga pagpatay sa mga menor de edad dahil sa war on drugs ng pamahalaan.
Hinikayat naman ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao ang Liderato ng Kamara na iprayoridad at ikalendaryo na ang imbestigasyon sa mga napapatay na kabataan sa war on drugs.
Sinabi ng mga mambabatas na isang taon na ang lumipas nang maghain sila ng resolusyon na nagpapaimbestiga sa EJKs pero hindi pa rin nabibigyang pansin sa Kamara.
Pinag-iingat ng kongresista ang publiko dahil hindi maaalis ang mga grupo na gustong lituhin ang mamamayan para pagtakpan ang pananagutan ng mga big time drug lords at narco politicians.