Umapela si House Speaker Alan Peter Cayetano sa Meralco na magbigay ng dagdag na maitutulong sa mga maliliit na consumers nito sa gitna ng nararanasan pa ring hirap sa pandemya.
Ayon kay Cayetano, batid niya na may ibinigay ng tulong ang Meralco sa mga lifeline consumers o iyong mga kumukunsumo ng 100 kwh kada buwan ngunit alam din niyang mas may maibibigay pa ang kumpanya sa mga consumers nito.
Hirit ni Cayetano na magbigay pa ang Meralco ng dagdag na diskwento o palawigin pa ang panahon para mabayaran ng mga mahihirap na consumers ang kanilang bills.
May magagawa pa aniya ang Meralco dahil malaki naman ang kinita ng kumpanya at shares nito sa mga nakalipas na taon.
Kung gagawin ito ng Meralco ay tiyak aniyang matutuwa si Pangulong Rodrigo Duterte.
Hinikayat din ni Cayetano ang mga pribadong kumpanya, mga bangko at malls na makipagtulungan sa gobyerno para maalalayan ang publiko sa epekto ng COVID-19 pandemic.