
Nananawagan si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III kay dating Congressman Elizaldy Co na umuwi sa Pilipinas at harapin ang taumbayan na humihingi ng katotohanan at pananagutan.
Giit ni Dy, hindi sapat ang video ni Co mula sa ibang bansa kung saan niya isiniwalat na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez at iba pang opisyal ay nasa likod ng 100-billion pesos na insertions sa 2025 national budget at pagkubra ng bilyones na kickback.
Katwiran ni Dy, mabigat ang mga paratang ni Co kaya dapat mabigat din ang paninindigan nito kaya dapat itong humarap sa imbestigasyon, manumpa at maglabas ng ebidensiya sa mga awtoridad tulad ng Independent Commission for Infrastructure.
Tiniyak naman ni Dy na kung kailangang bigyan ng proteksiyon si Co ay makikipag-ugnayan siya sa mga kaukulang ahensiya upang matiyak ang kaligtasan nito habang nagbibigay ng testimonya.
Kaugnay nito, binigyang-diin naman ni Dy na siya ay kaisa ng Pangulo sa layuning linisin ang pamahalaan upang tayo ay bumangon muli at maisulong ang tunay na pananagutan.









