
Iginiit ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na ang paghahain ng kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ay hindi pamumulitika kundi pagsusulong ng pananagutan na nakabase sa mga verified facts at sinumpaang mga dokumento.
Dismayado din si Romualdez sa mga personal na pagbatikos at sa pagkalat ng maling impormasyon kaugnay sa impeachment na aniya’y nagpapahina sa kredibilidad ng mga demokratikong institusyon.
Mensahe ito ni Romualdez, makaraang i-archive ng Senado ang impeachment case ni VP Sara sa kabila ng kawalan ng pinal na desisyon ng Korte Suprema.
Pagtiyak ni Romualdez, hindi matitinag ang Kamara at tuloy pa rin ang laban para sa konstitusyon, pag-iral ng batas, pagsusulong ng katotohanan at pananagutan.
Muling iginiit ni Romualdez na alinsunod sa Saligang Batas ang mga naging hakbang ng Kamara kaugnay sa verified impeachment complaint laban kay VP Sara na nilagdaan ng 215 na mga kongresista —o higit sa one-third ng mga miyembro ng Kamara.









