Friday, January 16, 2026

Liderato ng Kamara, inatasan ang mga miyembro na makipag-ugnayan sa mga kababayan at lokal na pamahalaan bilang paghahanda sa Bagyong ‘Uwan’

Inatasan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mga kongresista na makipag-ugnayan sa kanilang mga kababayan at sa mga lokal na opisyal sa kani-kanilang distrito.

Ito ay upang matiyak ang maayos na koordinasyon at agarang pagtugon kaugnay ng pinangangambahang matinding pananalasa ng Super Typhoon Uwan.

Habilin ni Dy sa mga miyembro ng Kamara na siguraduhing may sapat na impormasyon, suporta, at tulong ang mga nasa pinakamaaapektuhang lugar.

Hinikayat din ni Dy ang lahat, lalo na ang mga nasa mabababang lugar at baybaying dagat, na makinig at sumunod sa mga abiso ng mga otoridad, lalo na sa mga utos na agad lumikas at maghanda ng pangunahing pangangailangan gaya ng flashlight, tubig, pagkain, at gamot.

Tiniyak ni Dy na ang Kamara ay kaisa ng buong sambayanan sa pananalangin, paghahanda, at sa sama-samang pagharap sa paparating na bagyo nang may tapang, malasakit, at matatag na pananampalataya.

Tiwala rin si Dy na hindi kayang pabagsakin ng anumang bagyo ang isang bansang handa, nagkakaisa, at may malasakit sa kapwa.

Facebook Comments