Liderato ng Kamara, ini-utos ang pagkukumpuni sa mga tagas sa loob ng Batasan

Manila, Philippines – Ipinag-utos na ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas sa contractor na kinuha ng Mababang Kapulungan na isaayos ang mga nakitang problema sa mga pasilidad ng Kamara.

Mababatid na bago ang ikalawang SONA ng Pangulong Duterte ay maraming bahagi ng Mababang Kapulungan ang isinasaayos kabilang dyan ang car park ng mga kongresista, ang south at north wing lobby, gayundin ang mga daan malapit sa gallery ng plenaryo at halos lahat ng mga comfort rooms ay under renovation.

Bunsod ng kakulangan sa oras para matapos ang lahat ng ito ay mistulang minadali para matapos ang mga ginagawa sa Kamara para buksan sa muling pagbabalik sesyon.


Pero karamihan sa mga ito ay hindi pulido ang pagkakagawa tulad ng natumbang toilet bowl sa cr na nasa labas ng plenaryo na karaniwang pinupuntahan ng mga mambabatas, ang tumatagas na tubig sa ladies cr sa may north wing lobby at hindi magkakatugmang tiles sa men’s room.

Bukod dito, pinapasok din ng tubig ang north wing lobby dahil sa malakas na pag-ulan kaya naman nahihirapan din ang mga janitor sa paglimas sa tubig baha at ulan na pumapasok dito.

Ikinadismaya ni Fariñas ang sitwasyon at agad na iniutos kay House Sec. Gen. Cesar Pareja na aksyunan ito.

Ipinasisilip na ngayon sa engineering ng Kamara ang nasabing mga reklamo.

Facebook Comments