Liderato ng Kamara, kumpyansa na lalo pang bababa ang inflation rate

Tiwala si House Speaker Ferdinand Martin Romuladez na mapapabagal pa ng administrasyong Marcos ang inflation rate o galaw ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Pahayag ito ni Romualdez kasunod ng report ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumagal sa 3.7 porsiyento ang inflation rate noong Hunyo mula sa 3.9 porsyento noong Mayo.

Para kay Romualdez, nagpapakita ito sa mahusay na pamamahala sa ekonomiya ng administrasyon sa kabila ng patuloy na pandaigdigang hamon, kabilang ang pagkaantala sa supply chain at kawalang-katatagan sa pananalapi ng mga bansang may malalaking ekonomiya.


Nangako naman ang Kamara na tutulong para lalo pang mapababa ang inflation rate sa pamamagitan ng pagpapasa ng mga panukalang batas na magpapababa sa presyo ng elektrisidad at presyo ng bigas.

Pangunahing binanggit ni Romualdez na kanilang pagtutuunan ang panukalang pag-amyenda sa EPIRA o Electric Power Industry Reform Act para maibaba ang presyo ng kuryente.

Binanggit din ni Romualdez ang mga panukalang magbibigay ng higit na suporta sa mga magsasaka sa pamamagitan ng farm inputs, imprastraktura, at iba pang tulong na magpaparami ng kanilang ani.

Facebook Comments